Tungkol sa amin...

My photo
Unit 203, Bldg A, Almanza Metropolis Manila Doctors Village St., Almanza, Las Piñas City, Philippines

Sunday, May 29, 2011

Merdyer: Kanibalismo ng Negosyo


Nakapanood na ba kayo ng mga palabas sa National Geographic Channel?  O sa Discovery Channel kaya?  Nakita nyo na ba kung paano kainin ng isang leon ang kanyang kapwa?  Kung paano pagtulungang lapain ng mga oranggutan ang kalaban nilang oranggutan din?  Ang tawag sa ganito ay kanibalismo.

Ayon sa mga diksyunaryo, ang kanibalismo ay ang sistema ng pagkain sa kapwa, sa kauri, o sa kalahi. Antropopago. Batayang katangian nito ay ang pagpreserba ng kapangyarihan ng naghahari, at hindi ng gutom lamang. Kadalasang nagaganap ang kanibalismo kapag mataas na mataas ang tensyon sa politika at kapangyarihan ng mga hayop.

Nitong nakaraang mga araw lang, natunghayan nating lahat ang isang kaganapang kanibalismo sa Pilipinas.  Ang pagkain ng higanteng Smart Telecommunications sa Digitel, ang network sa likod ng Sun Cellular.  Isa itong kanibalismo sa negosyo.

Ngunit hindi na bago ang kanibalismo sa negosyo dito sa atin at maging sa buong mundo (naalala nyo ba ang pagkain ng San Miguel sa Magnolia o ang pagkain noon ng Smart sa Piltel?)  Sa totoo lang kasi, ang kalakarang ito ay isang paraan ng pagpapanatili ng kapangyarihan ng isang naghaharing negosyo at pagpapalawak ng saklaw nito.

Pero ano nga ba ang epekto ng kaganapang ito sa atin?  Habang nagpapalawak ng sakop ang Smart Communications, mas gumagaan ba ang halaga ng serbisyo nito sa atin?

Sa ekonomiyang pampolitika, ang kanibalismong ito o merdyer, ay prekursor ng tinatawag nating monopolyo sa negosyo. Ngayong kinain na ng naghaharing negosyo ang potensyal niyang karibal, wala nang sasalungat sa kanya, wala nang maghahamon sa kanya, at kung gayon ay mas malaya na nitong magagawa ang mga corporate plans nitong nakatuon lamang sa pagkamal ng mas malaking kita.

Ibig sabihin, kung totoo mang may mga bagong serbisyo ang Smart sanhi ng pagkain nito sa Sun, ito’y hindi pa nakatuon sa seryosong pagserbisyo sa ating mga subscriber.  Bagkus ay nakadesinyo ang mga bagong serbisyong ito sa pag-engganyo sa mga subscriber na gumastos ng gumastos para magkamal sila ng mas malaking kita.

Ang ganitong katangian ay katangiang monopolistiko.  Isang pagsisikap na makontrol ang pinakamalawak na bahagi ng merkado, at kung gayo’y pagkumpas ng malaya sa magiging galaw ng presyo at sistema ng serbisyo.

Kaya kahit pa sabihin nilang sila ang widest, o nationwidest, asahan pa rin nating mahina ang signal ng SmartBro sa ilang lugar, asahan pa rin nating mapagnanakawan tayo ng load, at asahan pa rin nating eengganyuhin tayo nitong sumali sa kanilang mga elektronikong pasugalan, habang nagkakamal sila ng mas maraming salapi mula sa ating bulsa.

At pag nakumpleto na ang proseso ng kanibalismong ito, bubulagain na tayo ng bagong monopolyo sa larangan ng telekomunikasyon.  At ihanda nyo na ang bulsa nyo.


Ding Loguibis
Kontribyutor

1 comment: