Isa sa pinaka-popular na laro ng bata ang agawan-base sa bansa. Karaniwang laro itong mga nasa elementarya at kadalasang nabibitbit din ito sa maagang yugtong buhay hayskul ng mga bata.
Sa larong ito, dalawang magkatunggaling grupo ng mga magkakalaro ang magkalaban. Ang unang grupo ay kukuha ng base sa gawing kaliwa ng playground at ang kanan nito ang gagawin nilang outpost. Ang kabilang grupo ay sa kabilang banda naman ng palaruan at nakaharap ang base nila sa outpost ng unang grupo. Ang outpost naman ng grupong ito ay nakapwesto sa may harapan na banda naman ng base ng unang grupo.
Isa itong larong habulan.Sa larong ito, ang unang lalabas sa unang grupo halimbawa, ang “prey”. Bilang sagot, ang lalabas naman sa ikalawang grupo ay “hunter”. Pero ang hunter na ito ay maaaring maging prey kapag may lumabas na isa pa mula sa unang grupo, and so on. Ang bawat prey ay kailangang makabalik sa base para makaiwas sa “taga” ng humahabol sa kanya.
Maaari ring sabay-sabay na magpahabol ang isang grupo at maaari ring maraming hunter ang lalabas para habulin ang isang prey.
Kapag “nataga” ang prey, magiging “hostage” itong grupong hunter. Ang bawat hostage ay pupunta sa outpost ng grupong nakahuli sa kanila. Para mapalaya ang hostage, kailangang mahawakan o mahipo sila ng kagrupo nila. Syempre hindi magiging madali yan dahil hahabulin sila tiyak kapag sila ang unang lumabas sa base.
Kapag nahuli lahat ng kasapi ng isang grupo, talo na sila sa laro.
Sounds familiar? Yes.
Ang unang grupo ay ang PLDT at ang kabila ay Globe. Pareho silang nagsisikap na makahuli ng pinakamaraming hostage. Ang hostage na yan ay ang telephone frequency ng bansa, isang limitadong pampublikong rekurso.
Sa kasalukuyan, mapapabilis ang pagdami ng hostage ng PLDT dahil sa naka-ambang pagbili nila sa Digitel /Sun. At dahil wala nang pwedeng maging hostage ang Globe, nag rereklamo sila ngayon.
Ang punto ko ay ito, ang dalawang team na ito ay parehong may pagnanais na makuha ang pinakamaraming hostage. Sa life cycle kasi ng isang negosyo, natural na tunguhin nito ang pag-accumulate ng excess capital lalo na kung accumulated narin ang kanilang excess income. At dahil dito, papangarapin nila ang mas malaking excess production na siguradong magreresulta sa mas malaking excess income. In the end, makokontrol nila ang merkado, ang industriya, at ang konsyumer. Ang tawag dito: monopolyo.
Sa agawang base na ito, ang mga manlalaro ay nag-aagawan ng frequency. At maaaring sa prosesong laban nila’y may magmukhang pro-people sa kanila. Pero huwagka, kung sila rin ang mananalo, tiyak pareho rin sa posisyon ng PLDT ang posisyon nila ngayon.
Kaya tama lamang na ipanawagan na i-level ang playing field ng industriya. Dahil sa dulo nito, sinuman sa dalawang magkatunggaling ito ang manalo, tayo pa ring mga consumer ang talo.
No comments:
Post a Comment