Matatandaang binili ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) ang kumpanyang Digitel na may-ari ng Sun Cellular at kasalukuyang dinidinig sa tanggapan ng National Telecommunications Commissions (NTC). Kung sakaling payagan ng NTC ang naganap na bilihan, mabubuo ang monopoly ng PLDT-Digitel na magdudulot ng problema sa ating bansa sa serbisyo ng komunikasyon.
Ang PLDT ay kasalukuyang nagmamay-ari ng SMART Telecom na may pinakamalaking subscribers sa buong bansa. Kung idadagdag pa ang Digitel, makukuha nila ang 70% ng merkado at 77% ng prangkisa sa telecom industry. Mawawalan ng puwang ang iba pang negosyo sa industriyang ito, wala nang kompetisyon, madidiktahan nila ang presyo at kalidad ng serbisyo at manganganib ang karapatan nating mga konsyumer.
Higit na nakakabahala ay karamihan sa mga monopolyo sa ating bansa ay pag-aari ng mga dayuhan Ayon sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema nito lamang Hulyo 2011, higit pa sa 40% ng PLDT ay pag-aari na ng mga dayuhan. Ito ay labag sa ating Saligang Batas na nagtatakda ng 40% foreign ownership limit.
Nagpipyesta na naman ang mga gahamang negosyante at kapitalista tulad ng may-ari ng mga kumpanyang PLDT-Smart Telecomm. Nanunumbalik na muli ang mga kartel, monopolyo at iba pang anyo ng kontrol ng iilang mayayaman sa industriya at ekonomiya ng bansa. Ang mga pangunahing serbisyo tulad ng telekomunikasyon, kuryente, tubig, shipping at mga batayang produkto tulad ng bigas at asukal ay ilan sa mga kailangang bantayan ng pamahalaan upang tiyaking ang mga ito’y abot-kaya at kapaki-pakinabang para sa mga mamamayan.
Hindi dapat palagpasin ng mga ahensiya ng pamahalaan, lalo na ang NTC, ang ginawang ito ng PLDT-Smart at Digitel-Sun. Si Pangulong Noynoy Aquino mismo ay nagsabing ayaw nya ng kartel at monopolyo. Ngayon na ang panahon upang makialam ang Presidente at Department of Justice upang proteksiyunam ang mamamayan laban sa monopolyo. Huwag nating ibalik ang madilim na nakaraan ng monopoly sa panahon ng diktadurang Marcos.
Tutulan at labanan ang panunumbalik ng monopolyo sa ating bansa!
No to Telecom Monopoly!
NTC, DOJ, P-NOY Proteksiyunan ang consumers at mamamayan, hindi ang iilang negosyante!
Lumahok sa piket protesta sa NTC at ibang ahensya ng pamahalaan!
Magkaisa para sa kapakanan ng taumbayan!
Sumama at makiisa sa SLaM Hour! Patayin ang inyong cellphone, huwag mag-text o tumawag sa loob ng isang oras, ganap na 12:00 ng tanghali hanggang 1:00 ng hapon, sa araw mismo ng SONA ni PNoy sa Hulyo 25.
No comments:
Post a Comment