Ayon sa mga sabi-sabi, ang nagbabadyang pagsasanib ng PLDT / Smart at DIGITEL / Sun ay magreresulta sa mas malawak na saklaw ng serbisyo nila, at kung gayo’y sa mas malaking porsyentahe na mapaglapit pang lalo ang mga magkakapamilya at magkakaibigan, gaano man ang mga ito kalayo sa bawat isa.
Ayon sa mga sabi-sabi, lohika na raw ang nagsasabi na pag natuloy ang pagsasanib ng dalawang higante sa telekomunikasyon, mas bibilis ang konenksyon sa internet, mas lalawak ang saklaw ng mga unlicalls at unlitext, mas magiging masigla at walang patid ang daloy ng komunikasyon sa pagitan ng mga magkakakilala at magkakamag-anak.
Ayon sa mga sabi-sabi, ang ganitong sigla ng komunikasyon, kung matuloy ang pagsasamang PLDT-DIGITEL, ay magaganap din sa loob ng hanay ng negosyo. Mas masiglang business deal via telephone conversations, mas malakas na trapiko sa internet.
Ayon sa mga sabi-sabi, magreresulta ito sa mas murang halaga ng text at tawag, at maging sa per oras na singil sa koneksyon sa internet.
Pero sa ganang akin, ang PLDT/Smart at DIGITEL/Sun ay parehong dambuhalang negosyo na ang pangunahing layunin ay magkamal ng sandamakmak na kita.
Sa ganang akin, ang ganitong klase ng mga negosyo ay may mga espisipikong corporate plans na nakasandig sa prinsipyo ng pagkamal ng malaking kita sa pinakamaliit nitong gastusin.
Sa ganang akin, ang prinsipyong ito ang kadalasang dahilan ng mga merdyer ng mga kompanya. (Maliban syempre sa obyus na dahilan ng nagbabantang pagkalugi kaya naibebenta sa malaki ang isang maliit na kompanya.)
Sa ganang akin, kahit pa makuha ng pinagsamang PLDT/Digitel ang 70% ng telephone frequency ng bansa, hindi pa rin uunlad ang klase ng serbisyo nilang nakaasa dito dahil kasamang makukuha ng PLDT, obviously, ang milyun-milyon ding subscriber ng Digitel/Sun. Sa maikling salita, the same banana pa rin ang magiging kalagayan, naiba lang ang pagmamay-ari pero pareho lang ang kabuuang bilang ng subscriber na mag-aagawan sa napakaliit na porsyentahe ng telephone frequency.
Sa ganang akin, malaki ang posibilidad na hindi ito tumungo sa mas murang halaga ng text, tawag at surfing time, maliban na lang kung tatapatan sila head-on ng natitirang malaking kompanya ng telekomunikasyon. Kung bababa nga ang halaga, hindi ito magiging pangmatagalan. Magaganap lang ito sa mga unang bahagi ng inaasahang mainit na tunggalian ng pinagsamang PLDT/Digitel laban sa Globe.
Sa ganang akin, ang anumang magaganda umanong epekto ng merdyer ng PLDT at Digitel ay puro lang press release. PR. Hawshaw. Ampaw. Walang laman.
Dahil sa ganang akin, wala sa hinagap ng merdyer na ito ang kapakanan ng mga subscriber. Ang tanging halaga natin sa merdyerna ito ay ang pisong manggagaling sa ating mga bulsa na nais kamkamin ng PLDT/Digitel.
Ding Loguibis
Kontribyutor
No comments:
Post a Comment